Saturday, May 10, 2014

Alamat ng Sibul Springs

Sinasabing ang barangay Sibul Springs ay tunay na pinagpala dahil sa mga biyayang ipinagkalob mula dito sa Panginoon na lubos na nagpatingkad sa kagandahan nito. Nariyan ang Banal na Bundok na mistulang isang paraiso na unti-unting nagiging atraksyon samaraming tao lalo na sa mga taga-ibang nayon; Madlum, na sumisikat sa tinataglay ng Madlum Cave; Grotto na tinitingala dahil sa mga naglalakihan at tila higanteng mga santo at marami pang iba. Ngunit sa kabila ng mga ito, nagsisilbi paring isang napakalaking katanugnan kung ano ang barangay na ito bago tawaging Barangay Sibul Springs.

                Sa paanan ng bundok sa San Miguel, probinsya ng Bulacan, matatagpuan ang isang baryo na tinawag na Sibul Springs. Nagsimula ito sa kwento ng isang diwata.

                Noong unang panahon, may isang napakagandang diwata ang naninirahan sa isang kweba sa loob ng kagubatan kasama ang kanyang alagang puting usa. Sa paanan ng bundok, may isang nayon ang tila kakaiba sa lahat kung saan nakatira si Makisig kasama ang kanyang lola sa isang kubong yari sa sawali.

                Si Makisig ay matipuno, malakas, at tanyag bilang isang magaling na mangagaso. Dahil sa mga katangian niyang ito, lahat ng mga babae sa  nayon ay naakit sa kanya at nagkakagusto. Kung kaya’t pinagkasundo na siya ng kanyang lola sa isang babae sa kanilang nayon. Dahil dito, hiniling ng ina ng kanyang nobya na puting usa ang iregalo sa kanyang anak sa araw ng kanilang kasal.

                Sa kagustuhan ni Makisig na maibigay ang hinihiling ng ina ng kanyang kasintahan ay nagplano siyang umakyat ng bundok upang makahuli ng puting usa.

                Isang umaga, masiglang-masigla sina Makisig sa pag-akyat niya sa bundok. Ilang sandali pa lamang, ay namataan niya na may isang puting usa ang kumakain na nahaharangan ng nagtataasang mga damong talahib. Dahan-dahan niya itong nilapitan. Hindi sinasadyang nalalag ang dala niyang sibat na sanhi ng pagtakbo palayo ng puting usa. Hindi nagdalawang isip na habulin ito ni Makisig sa halip na maghanap na lamang ng panibago. Hinabol niya ito nang hinabol hanggang sa makarating siya sa kweba ng diwata. Sa hindi inaasahang pagkakataon, naakit ang diwata kay Makisig na sanhi ng pagtatagal ng binata sa kweba ng ilang araw.

                Nagsama silang dalawa. Dahil isa ngang diwata ang magandang binibini, lahat ng naisin ni Makisig ay kanyang ibinibigay tulad ng masasarap na pagkain na hindi pa niya natitikman sa tanang buhay niya. Sa kasamaang palad, naudlot ang pagsasama nilang ito nang isang gabi naalala ni Makisig ang nag-iisang lola sa kanilang nayon.

                Kinaumagahan, ay nilisan niya ang kweba kasama ang puting usa na ihahandog niya sa ina ng kanyang kasintahan sa nayon.

                Sumapit na ang araw ng pag-iisang dibdib ni Makisig sa kanyang nobya. Hindi pa nagtatagal ang kanilang pagsasama ay nagkasakit si Makisig ng hindi ordinaryong karamdaman. Hindi ito malunasan ng kahit sinuman kaya’t siya’y namatay.

                Makalipas ang ilang araw ng kanilang kamatayan, biglang bumuhos ang napakalakas na ulan. Nagsilikas ang mga taganayon. Umakyat sila sa bundok at doon nila nakita ang kweba ng diwata. Nagdesisyon silang manatili doon hanggang sa humupa ang baha at tumigil ang ulan. Paglabas nila sa kweba, hindi alintangang sumabog ang bulkan na malapit dito. Ngunit sa halip na mainit at nagliliyab na lahar ang ilabas nito, tubig ang binigay nito sa mga tao.

                Nakilala ang lugar na ito sa dalawang magagandang bagay na sadyang maipagmamalaki. Una ay dahil sa likas at natural nitong kagandahan at pangalawa ay sa pagiging natatangi nito dahil sa biyayang natatamasa ng buong barangay dahil sa napakadaming bukal na naglitawan na sa ngayon ay napakikinabangan ng mga tagabarangay Sibul at pinaniniwalaan pang nakakapagpagaling ng iba’t ibang sakit sa balat.


                ‘Yan ang barangay ko,  ang Barangay SIBUL  SPRINGS!

(c) Ang Bukal - Opisyal na Pahayagan ng JJRMHS

No comments:

Post a Comment