Ako nga pala si Juan Dela Cruz. Simple,
payak, at mapagmasid na labinlimang taong gulang. Pangarap? Oo naman, lahat
siguro mayroong pangarap ngunit iba ang aking pangarap di tulad sa mga bata sa
aming lugar. Paglaki ko, nais kong mamuno at maging Pangulo ng
Republika ng Pilipinas.
Maraming natatawa sa aking ambisyon; maraming
nakapanunutyang hagikgik ang aking naririnig sa tuwing ipagmamalaki kong
banggitin ito. Hindi naman ako nagpapatawa? Pati nga si Inay ay mukhang naasiwa
na sa tuwing sasabihin ko iyon at angmasaklap pa, ang tanging nakaiintindi lang
sa akin ay ang aking alagang asong si Tali. Ngunit kahit gayon pa man,
walang papatay sa apoy na sumisiklab sa aking puso sa tuwing mangangarap ako ng
ganito.
Kung tatanungin ninto ako kung ano ang aking
magiging plataporma sa pagka-presidente, marami akong nakahandang gawain at
ibabahagi ko ang ilan dito.
Sa paglaganap ng karahasan at pagdanak ng
dugo sa lupain ng silanganan, maraming buhay ng sibilyan ang nadadamay.
Nakapanuod nga ako minsan sa kapitbahay ng isang balita tungkol sa Magindanaw
Masaker at mga armadong lalaking nandurukot ng bata at ibinibenta ang laman
loob. Dali-dali akong nagtago sa saya ni Inay at tumabi at pilit sumisiksik sa
kanya sa pagtulog; sa takot na may biglang dumukot sa akin ang
pagpirapirasuhin. Subalit, dahil na rin dito, poot ang naramdaman ko samga
karumaldumal na pumapaslang na iyon. Kung ako ang magiging president, marapat
na lamang na isabatas muli ang Death Penalty. Para sa akin, ang mga
kriminal at mga manggagantso, lalo na ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno, ay
tulad ng isang nabubulok na kamatis na kailangang tanggalin upang hindi
makahawa. Sila ay cancer na dapat alisin sa lipunan upang hindi na
makaimpluwenisya pa. Dapat silang alisin, ihiwalay, at itapon sa nagbabagang
apoy upang tuluyang mawala sa mundong ibabaw. Ito ang magsisilbing punyal
na babalot ng takot sa sinumang gagawa ng mga kahindikhindik na mga krimen at
paglabag sa batas. Ugat na rin nito, bababa ang kinakailangan nating mga
sundalo, pulis,mga armas at mga makinarya tulad ng tangke, helikapter, at
iba pa. Kokonti na rin ang mga naibiblanggo. Unang una pa lang, bakit ba
kailangang paglaanan ng salapi ang mga nasa kulungan? Araw-araw pinapakain, may
silungan at mga aktibidad pa – swerte naman nila? Ang marapat sa kanila ay
kitilin na lang ng bumaba ang populasyon at lumaki ang espasyo ng bansa na
nakalaan sa mga kulungan. Ibig sabihin pa nito, magkakaroon pa ng mas
maraming pondo para paglaanan sa mga proyekto ko para sa ikabubuti ng bansa.
Sa larangan naman ng kalakaran, nais kong
itanim sa isipan ng mga magsisipagtapos sa kolehiyo ang kahalagahan ng negosyo.
Marami kasi akong naririnig na mga magulang na nagpapayo sa kanilang anak na
mag-aral ng mabuti upang magkaroon ng magandang trabaho. Bakit ganoon? Bakit
hindi na lang sabihin na mag-aral ng mabuti upang magkaroon ng
magandang negosyo? Bakit kailangan mong magpaalipin na lamang kung maari ka
namang magtaguyod ng sarili mong korporasyon? Makagagawa ka pang mabibigyan ng
mga trabaho at ikaw pa ang masusunod. Isa pang punto, nais ko ring taasan ang
mga sahod ng mga gawaing pisikal tulad ng dyanitor, mekaniko, at mga basurero.
Sa aking pananaw, mas karapat-dapat laanan sila ng pondo dahil sila ang mga
naghihirap, mga produktibong mamamayan na mahirap na nga ang kalagayan sa
buhay, kakarampot na sweldo pa ang natatanggap. Hindi ba parang lohikal
naman na isipin na kung sino ang naghirap ng husto, ay siya rin makatatanggap
ng ibayong benepisyo?
Sa hinahapuhap ko, magiging isang napakaunlad
at mapayapang bansa ng Pilipinas. At dahil dito, dadami ang mga dayuhang
bibisita sa bansa, tataas ang piso at bababa ang dolyar. Ang magiging epekto
nito, syempre, hindi na kailangan pang umalis pa ang mga Pilipino para magtrabaho
sa ibang bansa. Naawa na rin kasi ako sa kalaro kong si Brenda na anak ng isang
domestik helper sa Taiwan. Gabi-gabi na lang siyang umiiyak dahil nami-miss na
raw niya ang kanyang nanay.
Sa mga proyekto kong ito, tiyak na ang
Pilipinas ay ang magiging nangungunang bansa sa buong mundo.? Magiging posible
rin ito sa darating na panahon. Hindi pa huli ang lahat. Handa na akong baguhin
ang Pilipinas –hawak ang isang pirasong papel at isang lapis habang papasok
na sa unang baitang sa elementarya.
No comments:
Post a Comment